-- Advertisements --

VIGAN CITY – Iminungkahi ng isang mambabatas na gayahin na lamang umano ng Pilipinas ang sistema o format sa Amerika na tandem o galing sa parehong partido at ihalal bilang iisa ang pangulo at pangalawang pangulo ng bansa sa isang halalan.

Sa mensaheng ipinadala sa Bombo Radyo Vigan ni Buhay Partylist Representative Lito Atienza, sinabi nito na ang nasabing hakbang umano ang nakikita nitong pinakamabisang paraan upang maiwasan ang ‘distrust’ o kawalan ng tiwala sa isa’t isa ng mga matataas na opisyal ng bansa.

Ito ay kasunod ng pahayag nitong nakaraan ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi umano nito pinagkakatiwalaan si Vice President Leni Robredo mula nang tanggapin nito ang inialok sa kaniyang posisyon bilang co-chairman ng Inter-Agency Committee on Anti- Illegal Drugs (ICAD).

Naniniwala si Atienza na kung galing sa iisang partido at magkasuno ang mga pinakamatataas na opisyal ng bansa ay maiiwasan ang hindi pagkakaintindihan at magkakaisa ang mga ito sa lahat ng desisyon na may kaugnayan sa pamamahala sa isang bansa.

Nais din ng mambabatas na gawin ang kaparehas na set-up sa mga local officials kagaya na lamang sa magka-alyadong gobernador at bise gobernador, pati na sa alkalde at bise alkalde.