-- Advertisements --

Isinusulong ni Representative Brian Raymund Yamsuan ang panukalang batas na naglalayong mabigyan ng proteksiyon ang mga kababaihan na mga informal workers na kalimitan biktima din ng pang-aabuso.

Binigyang-diin ni Yamsuan na panahon na para maglagay ng mga hakbang na magbibigay ng pantay na proteksyon para sa “walang trabaho, walang bayad” na mga babaeng manggagawa sa impormal na ekonomiya.

Ang pahayag ni Yamsuan ay kasunod ng pagdiriwang ng bansa sa Pambansang Buwan ng Kababaihan ngayong buwan ng Marso.

Sinabi ni Yamsuan na kailangang maisabatas ang bagong batas upang matiyak ang sapat na legal na representasyon para sa mga kababaihang biktima ng pang-aabuso ngunit walang paraan upang ipagtanggol ang kanilang sarili sa korte.

“The government has made great strides in empowering women as nation builders and key contributors to our country’s development. But much work still needs to be done for marginalized women who lack protection and representation in the economic and legal fronts,” pahayag ni Yamsuan.

Upang matiyak ang equal protection para sa mga female workers sa informal sector, iminumungkahi ni Yamsuan na bigyan ng maternity cash benefits ang mga ito, katumbas ng 22 beses sa umiiral na minimum wage rate sa rehiyon kung saan sila nakatira.

Ayon kay Yamsuan, ang mga babaeng informal workers ay ang mga hindi sakop ng mga benepisyo ng Social Security System (SSS).

Kabilang dito ang mga freelancer, home-based na manggagawa, mga nagtatrabaho sa ilalim ng ‘no-work, no-pay’ arrangement, at iba pang hindi kinikilala o unregulated na mga aktibidad sa pagtatrabaho.

Inihain ni Yamsuan ang panukalang House Bill (HB) 10070 na naglalayong magbigay ng ganitong benepisyo sa mga babaeng manggagawa sa impormal na ekonomiya.

Ang pangunahing panlipunang proteksyon na ito ay dapat ibigay sa mga nagtatrabahong ina habang inaalagaan nila ang kanilang sarili pabalik sa kalusugan at pangangalaga sa kanilang mga bagong silang na sanggol at pamilya.

Batay sa independent estimates, nasa mahigit 6.6 milyong babaeng manggagawa na nasa impormal na ekonomiya ang makikinabang sa pagpasa ng panukalang batas, na naglalayong amyendahan ang ilang probisyon ng Republic Act 11210 o ang “Expanded Maternity Leave Law.”

Nais din ni Yamsuan na mapadali ng gobyerno ang paggamit ng mga ekspertong testimonya na pabor sa mga battered na kababaihan na nahaharap sa mga kasong kriminal, partikular ang mga kinasasangkutan ng mga mahihirap na victim-survivor.

Sa kasalukuyan pending sa committee level ng House of Representatives ang HB 10070 at HB 4706.

Aminado ang Kongresista na malabong maipasa ang nasabing panukala ngayong 19th Congress.

Gayunpaman tiniyak ni Yamsuan na kung papalarin na manalo sa darating na halalan, kaniyang ihahain sa 20th Congress ang panukalang pro-women.