Isinusulong ng isang mambabatas ang panukalang nagbibigay ng cash incentives ang mga film makers, artista, literary writers at iba pa na nakatanggap ng major awards mula sa international competitions.
Ito ang House Bill 1934 na layong bigyan ng P1 million cash grant ang mga artist mula sa creative sector na nakatanggap ng pinaka mataaas na award sa film festivals, exhibitions at iba pang prestigious contests.
Ayon kay Rep. Brian Raymund Yamsuan na siyang co-author ng nasabing panukala nasa P500,000 cash incentive ang naghihintay sa isang artist para duon sa makakatanggap ng special recognition kahalintulad ng international competitions.
Ipinunto ni Yamsuan na ang pagbibigay ng cash incentives ay pagkilala sa mga artist na nagbigay ng katanyagan at karangalan sa bansa.
Dagdag pa ni Yamsuan ang ating creative industry ay puno ng talento, pero dahil sa maraming hamon na kinakaharap ang creative industry, nadi-discourage ang mga creator na gumawa ng mga akdang tunay na nagpapakita ng kanilang artistikong pananaw.
Dahil dito naniniwala ang kongresista na sa pamamagitan ng pagbibigay ng insentibo matapos makakuha ng pagkilala sa international competition ay maaaring makatulong na muling pasiglahin ang malikhaing industriya at isulong ang paglago nito.
Sa ilalim ng panukalang batas kapag marami ang nanalo sa isang partikular na award ay paghahatiin nila ito equally.
Sa ilalim ng HB 1934, ang halagang kailangan para ipatupad ang panukala ay nakapaloob sa pondo ng National Endowment for Culture and the Arts na itinatag sa ilalim ng Seksyon 50 ng Republic Act 10066 o ang National Cultural Heritage Act, na napapailalim sa umiiral na mga patakaran at regulasyon sa pagbabadyet, accounting at auditing.