Isinulong ng isang mambabatas na mag-isyu ang Pangulo ng Executive Order o EO para pansamantalang maibalik ang kapangyarihan ng National Food Authority o NFA na magbenta ng bigas.
Sa pagdinig ng Murang Pagkain Super Committee tinanong ni House Deputy Majority Leader Janette Garin ang Department of Agriculture o DA kung ano ang epekto ng pagtanggal ng kapangyarihan sa NFA na magbenta ng bigas pati mais, sa ilalim ng 2019 Rice Tariffication Law.
Aniya, ang pagtanggal ng kapangyarihan ang NFA ay “dagok” kaya nagkakaroon ng sabwatan sa presyuhan ng bigas.
Tugon ni Sec. Francisco Tiu-Laurel, isa nga ito sa mga epekto ng pagkawala ng kapangyarihan ng NFA.
Sinabi ng kongresista na baka pwede na maglabas ng EO ang Presidente bilang “intervention,” lalo na sa panahon na mayroong “red flags” sa manipulasyon ng presyuhan ng bigas.
Dagdag niya, masyadong mahaba pa ang proseso kung itutulak ito bilang panukalang batas.
Sagot ni Laurel, magre-research at pag-aaralan itong mabuti ng DA.
Ipinaliwanag din ni Laurel na noon ay nakarehistro sa NFA ang mga rice trader, ngunit ngayon ay hindi na.
Noon din, nakakabenta ang NFA ng bigas sa mga palengke, at nakakapag-angkat. Kaya malaking bagay na maibalik sa NFA ang kanilang kapangyarihan.