-- Advertisements --

Isinusulong ni Bicol Saro Partylist Representative Brian Raymund Yamsuan ang pagtatag ng mga local job facilitation offices para matulungan ang mga senior citizen at persons with disabilities (PWDs) sa paghahanap ng mga trabaho at pag-access ng mga pagkakataon sa pagsasanay upang mapahusay ang kanilang mga kasanayan.

Inihain ni Yamsuan ang panukalang batas ang House Bill (HB) 10630 na layong makatutulong sa mga kuwalipikadong PWD at mga nakatatanda sa pagharap sa mga hadlang na karaniwan nilang nararanasan sa paghahanap ng trabaho, tulad ng kawalan ng tulong sa pag-access sa angkop na mga pagbubukas ng trabaho, mga bias laban sa kanila na may kaugnayan sa pisikal na kakayahan at edad.

Sinabi ni Yamsuan sa ilalim ng HB 10630, inaatasan nito ang Department of Labor and Employment (DOLE) na magtatag, magpatakbo at magpanatili ng mga opisina para sa pagpapadali ng trabaho para sa mga PWD at nakatatanda, na tatawaging Local Centers for Inclusive Employment (LCIEs), sa kahilingan ng mga local government units (LGUs) sa mga kabiserang bayan, pangunahing lungsod at iba pang mga estratehikong lugar.

“Alam naman po natin na kahit may mga polisiya na tayo na layuning maging pantay ang oportunidad sa trabaho para sa mga kwalipikadong seniors at PWD, hirap pa rin ang karamihan sa kanila na makahanap ng maayos at disenteng hanapbuhay. Nanatili pa rin ang diskriminasyon laban sa kanila at bukod pa diyan, hindi nila alam kung saang opisina ng gobyerno sila lalapit para matulungan sila sa proseso ng paghahanap ng trabaho,” pahayag ni Yamsuan.

Ginawa ni Yamsuan ang panukala matapos magsagawa ng konsultasyon sa mga seniors at PWDs sa siyudad ng Parañaque.

Marami kasi ang nagrereklamo na kulang ang natatanggap nilang tulong mula sa gobyerno.

Sa ilalim ng panukalang batas ang LCIEs ay patatakbuhin sa ilalim ng existing Public Employment Service Offices (PESO) ng LGUs.

Mandato din ng DOLE na mag set up at mag mantini ng computerized PWD at senior citizens manpower registry.