-- Advertisements --

Itinutulak ng isang mambabatas na bilisan na ang pagpasa sa panukalang batas para sa pagpapalawak sa benepisyo ng PhilHealth.

Inihain ni AGRI Party-list Rep. Manoy Wilbert Lee ang House Bill No. 11297 na layong amyendahan ang Republic Act No. 11223 o “Universal Health Care (UHC) Act” para taasan ang budget sa administrative costs ng Philippine Healthcare Insurance Corporation (PhilHealth) nang sa gayon madagdagan ang actuary team at mga kawani nitong kailangan sa pagpapalawak ng mga benepisyo.

Sinabi ni Lee na sa kasalukuyang bersiyon ng UGC Law mas pumapanig sa koleksyon ng premium kaysa pagdaragdag ng mga benepisyo ng PhilHealth.

Paliwanag ng Kongresista, mahalaga na balansehin ito para sa epektibo at sapat na healthcare coverage.

Ipinunto ng Bikolano lawmaker na dapat abala ang Philhealth sa pagdaragdag ng mga benepisyo at pagbabayad ng claims, hindi lang sa pagkolekta ng premium.

Ginawa ni Lee ang pahayag ng dumalo ito kahapon sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability.

Inihayag ng mambabatas na lumalabas na isang dahilan ng delayed payments at mabagal na pagtataas ng benepisyo ng PhilHealth ay ang kakulangan sa tao at actuary teams na sumisiyasat sa mga case rates.

“Isipin po ninyo, kung inaabot ng anim na buwan para maaral ang isang case rate, tapos 9,000 ang case rates, talagang aabutin nang siyam-siyam ang mga dagdag benepisyo kung iisa lang ang team na gumagawa nito,” pahayag ni Lee.

Dagdag pa nito na mahalaga na ma-review agad ang mga case rates para makasabay ito sa pangangailangan ng mga miyembro, lalo pa’t nagmamahal ang serbisyo dahil sa inflation.

Giit ni Lee na hindi pwedeng makupad ang usad dahil hindi naman nakakapaghintay ang sakit at mababalewala ang mga dagdag na benepisyo kung hindi rin lang ito mararamdaman ng mga Pilipino.

Matatandaan na si Lee ang unang nag-expose noong Setyembre 2023 na may bilyon-bilyong pondo ang PhilHealth.

Sa pangangalampag ng mambabatas sa Department of Health (DOH) at PhilHealth para gamitin ang kalahating trilyong pisong “unused funds” nito, naipatupad ang mga dagdag benepisyo ng PhilHealth matapos ang mahigit isang dekada na hindi ito nasuri at na-adjust.

Kasama sa mga matagumpay na naipaglaban ni Lee para maisama sa pinalawak na benepisyo ng PhilHealth ang 30% benefit increase na ipinatupad noong Pebrero 2024, 50% bagong dagdag na benepisyo na sinimulan nitong Enero 2025, libreng check-up sa mata, pagpapagawa ng salamin at operasyon sa katarata, libreng dialysis, pinalawak na coverage sa pagpapagamot ng breast cancer, pinalawak na benepisyo sa pagpapagamot sa mga sakit sa puso at kidney transplant, implementasyon ng outpatient emergency care services, at iba pang bagong serbisyo.

Nauna nang naghain si Lee ng panukalang pag-amyenda sa UHC Law sa paghahain ng HB No. 10995 noong Oktubre 2024. Sa ilalim ng panukalang ito, inaatasan ang Health Technology Assessment (HTA) Council na suriin ang halagang sinasagot ng PhilHealth sa mga benefit package para masiguradong “up-to-date” ito sa pangangailangan ng mga Pilipino sa pagpapagamot.

Dagdag pa ni Lee na walang dahilan ang DOH at PhilHealth para maging mabagal sa pagpapatupad ng mga dagdag pang benepisyong pangkalusugan.

Aniya kung patuloy ang mga ito na magiging makupad, marami pang Pilipino ang lalala ang sakit o mamamatay.