Nakiusap si ACT-CIS party-list Rep. Nina Taduran kay Pangulong Rodrigo Duterte na huwag nang bigyan ng puwesto sa gobyerno ang sinibak na si dating Bureau of Corrections (BuCor) Dir. Gen. Nicanor Faeldon.
Sa isang pulong balitaan sa Kamara, sinabi ni Taduran na ilang beses nang nasangkot sa iba’t-ibang eskandalo ang dating sundalo kaya hindi na ito dapat bigyan pa ng puwesto sa pamahalaan.
Inihalimbawa rito ni Taduran ang pagkakadawit ni Faeldon sa nasabat na ilang bilyong pisong illegal drug shipments noong ito ay Customs commissioner pa lamang.
Ikalawa, ang pagpapalaya sa mga bilanggo na sangkot sa mga nahatulan ng husgado dahil sa mga karumaldumal na krimen.
Kagabi, sinibak na ni Pangulong Duterte si Faeldon at ipinag-utos na sumuko na sa pulisya ang mga napalayang heinous crime convicts sa bisa ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.