-- Advertisements --

Naniniwala ang isang mambabatas na magiging walang kwenta ang dagdag benepisyo ng Philhealth kung walang gamit at hospital.

Sa pagdinig ng House Committee on Health ngayong araw, kinalampag ni AGRI Party-list Rep. Manoy Wilbert Lee ang Department of Health (DOH)  para bilisan ang pagkakaloob ng mga kagamitan sa pampublikong ospital tulad ng Positron Emission Tomography (PET) scan,  Computed Tomography (CT) scan at Magnetic Resonance Imaging (MRI), at iba pang kailangan sa pagpapagamot ng mga pasyente. 

Tinalakay sa pagdinig ngayong Miyerkules ang mga ipinatupad na dagdag na benepisyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth)at sinabi ni Lee na dapat sabayan din ito ng pinalawak na serbisyo ng ahensiya gaya ng dagdag na mga gamit at pasilidad pangkalusugan. 

Sinabi ng Kongresista na masasayang lang ang mga dagdag na coverage kung wala namang mga gamit at makina.

Kabilang sa nilagdaang kasunduan ng DOH at PhilHealth na isinulong ni Lee sa nakaraang budget deliberations noong Setyembre 25, 2024 ang pagsusumite ng DOH ng detalyadong plano sa pagbili ng mga makina at gamit para sa mga pampublikong ospital sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program (HFEP).  

Ayon pa kay Lee, plano niyang maghain ng panukalang batas para magbigay ng amnestiya sa mga di naresolbang kaso laban sa mga ospital at doktor, at sa mga na-deny na claims dahil sa late filing. 

Binigyang-diin ng Bikolanong mambabatas na kailangan ng ating bansa ang mas maraming ospital na nakakapagbigay ng serbisyo sa ating mga kababayan.

Suportado naman ng Presidente at CEO ng PhilHealth ang nasabing panukalang batas ni Lee. 

Ayon sa mambabatas, na siyang nag-expose sa bilyon-bilyong sobrang pondo ng PhilHealth noong Setyembre 2023, hindi dapat magpetiks ang DOH sa pagtupad nito sa tungkulin para sa isang maaasahan at de-kalidad na serbisyong pangkalusugan. 

“Ang ipinaglalaban natin, libreng gamot at pagpapagamot. Magtulungan tayo, ang gobyerno at pribadong sektor, para makamit ito at talagang mapagaan ang pasanin ng taumbayan. Hindi pwedeng kanya-kanya at maging pabigat pa tayo sa isa’t isa!” sabi ni Lee. 

Giit pa ng mambabatas, kailangan ng epektibong kampanya para maipagbigay-alam sa mga Pilipino ang mga serbisyong para sa kanila. 

“Dapat mawala na ang pangamba ng ating mga kababayan na magkasakit dahil sa takot na malubog sa utang at kahirapan ang kanilang pamilya. Ang layunin ko: Gamot Mo, Sagot Ko!” dagdag ng mambabatas.

Kabilang sa mga isinulong  ni Lee at ipinatutupad na ng PhilHealth ang di bababa sa 95% dagdag na benepisyo sa 9,000 case rates, libreng dialysis, mas malawak na coverage sa pagpapagamot sa breast cancer, mga sakit sa puso, kidney transplant, outpatient emergency care services at iba pang mga dagdag na serbisyo para sa mga miyembro.