-- Advertisements --

Pinasinungalingan ni House Assistant Majority Leader Jude Acidre ng Tingog Party-list ang pahayag ni Senador Cynthia Villar na naipadala ang impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte sa Senado sa huling araw ng sesyon.

Paglilinaw ni Acidre na ayon sa Concurrent Resolution No. 22, ang tunay na huling araw ng sesyon bago ang recess ay Pebrero 7, kaya may oras pa ang Senado para umaksyon sa impeachment complaint na inihain ng Kamara na inihain noong Pebrero 5.

Itinanggi rin ni Acidre ng House Committee on Overseas Workers Affairs, ang alegasyong sinadyang patagalin ng Mababang Kapulungan ang impeachment process, aniya, kumilos agad ang Kamara upang maipadala ang Articles of Impeachment sa pinakamabilis na paraan.

Binigyang-diin niya na mula nang ihain ang impeachment complaints, abala na ang mga miyembro ng Kamara sa pagtalakay upang pagtibayin ang kaso.

Sinabi ni Acidre na malinaw na itinatakda ng Saligang Batas ng 1987 na kailangang agad kumilos ang Senado matapos matanggap ang Artikulo ng Impeachment—isang tungkulin na, aniya, hanggang ngayon ay hindi pa natutupad.

Nagbabala rin siya na ang pagkaantala ng impeachment trial ay nagbibigay lamang ng benepisyo kay VP Duterte dahil nananatili ito sa puwesto sa kabila ng mabibigat na paratang ng maling paggamit ng pondo ng bayan.

Ipinahayag din niya ang pangamba na ang matagal na pagkaantala sa Senado ay maaaring magbukas ng pagkakataon sa panlabas na impluwensya, maling impormasyon, at mga pagtatangkang pahinain ang kaso.

Hinikayat ni Acidre ang Senado na gampanan ang kanilang constitutional duty at ipagpatuloy ang impeachment trial, na binibigyang-diin na ang pananagutan at hustisya ay hindi dapat nakasalalay sa political convenience.