Pinagpapaliwanag ng House leader ang mga otoridad kung bakit hanggang ngayon hindi pa nahuhuli ang puganteng religious leader na si Pastor Apollo Quiboloy.
Ayon kay Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. David “Jay-jay” Suarez na siya ay nababahala dahil hanggang ngayon hindi pa naaaresto ng mga otoridad si Quiboloy.
Ginawa ni Suarez ang pahayag bilang tugon matapos hingan ng reaksiyon matapos inindorso ng Office of the Court Administrator (OCA) sa Department of Justice’s (DOJ) ang hiling na ilipat ang criminal cases ni Quiboloy mula Davao City patungong Pasig City dito sa Metro Manila.
Giit nu Suarez ilang buwan na ang manhunt operations ng PNP at NBI laban kay Quiboloy subalit hanggang ngayon wala pa rin balita.
Si Quiboloy ay mayruon ding arrest warrants mula sa Korte sa Davao dahil sa kasong sexual abuse at child abuse, habang sa Pasig court ipinag-utos ang kaniyang pag-aresto na isang non-bailable offense dahil sa kasong human trafficking.
Nanawagan naman si Suarez sa mga law enforcement agencies na paigtingin pa ang kanilang manhunt operations laban kay Pastor Quiboloy.
Samantala, ayon naman kay House Assistant Majority Leaders Jil Bongalon ng AKO BICOL Party-list na tama lamang na inilipat ang venue ng legal proceedings upang matiyak ang neutrality at maging patas ang proseso sa pagdinig ng kaso.