-- Advertisements --

Binatikos ni House Assistant Majority Leader Jay Khonghun ng Zambales ang pananahimik ng ilang senatorial candidates sa gitna ng lumalaking banta ng Chinese espionage, kasunod ng pagkakaaresto sa mga Chinese spies na nagmamanman sa mga pasilidad ng gobyerno at kampo ng pulis at militar.

Iginiit ni Khonghun, na ang pambansang seguridad ay dapat na pangunahing prayoridad ng sinumang nag-aambisyong maging senador, lalo na’t may lumalakas na ebidensya ng pag-iispiya sa bansa.

Kamakailan, natukoy ng mga otoridad ang hinihinalang grupong espiya na nag-ooperate sa bansa. Natuklasan ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga pagmamanman sa mga sensitibong lokasyon, kabilang ang Malacañang, headquarters ng Armed Forces of the Philippines (AFP), at compound ng Philippine National Police (PNP).

Kabilang sa mga naaresto ang dalawang Chinese na natagpuang may dalang makabagong surveillance equipment na kayang makasagap ng mobile communications.

Hinimok ni Khonghun si Defense Secretary Gibo Teodoro na palakasin ang counterintelligence at koordinasyon ng mga ahensyang pangseguridad.

Aniya, ang patuloy na pagpasok ng mga dayuhang espiya ay dapat magsilbing babala sa mga mambabatas.

Bukod sa mga usaping pangdepensa, binigyang-diin din ni Khonghun ang posibilidad ng panghihimasok ng dayuhan sa darating na halalan sa 2025.

Dahil ginagamit na ang mga cyberattack at disinformation campaign bilang sandata ng geopolitical influence, nanawagan ang kongresista sa Commission on Elections (Comelec) at Department of Information and Communications Technology (DICT) na palakasin ang seguridad upang mapigilan ang anumang dayuhang pakikialam sa proseso ng halalan.

Babala pa ni Khonghun na hindi lang sa pangangalap ng impormasyon maaaring mauwi ang mga espiya, kundi pati sa pagtatangkang impluwensyahan ang pulitika ng bansa. Binanggit niya ang posibilidad ng mga kandidatong may suportang dayuhan o ang cybermanipulation ng resulta ng eleksyon, kaya’t nanawagan siya sa publiko na maging mapagmatyag laban sa posibleng pakikialam ng mga dayuhan.

Hinimok niya ang mga botante na maging mapanuri, dahil mahalaga ang pambansang seguridad sa pagpili ng mga senador. Iginiit niya na dapat malinaw ang paninindigan ng mga kandidato sa soberanya at seguridad ng Pilipinas.

Nanawagan si Khonghun sa mga kandidato na magsalita at ipahayag ang kanilang paninindigan sa mga banta ng dayuhan sa seguridad ng bansa, iginiit niyang hindi dapat balewalain ang pambansang depensa sa darating na halalan.