-- Advertisements --

Nanawagan si House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union nitong Lunes sa mga Pilipino na manatiling mapagbantay sa darating na midterm elections at tignan ang mga kandidato na sinusuportahan ng China dahil kung mananalo ang mga ito ay baka mawala ang Palawan sa Pilipinas.

Binigyang-diin ni Ortega na ang pagboto sa mga kandidatong maka-China ay katumbas ng pagsuko ng pambansang interes sa dayuhang kapangyarihan.

Sa mga nagdaang buwan, bumaha sa mga social media platform ng China ang mga video at post na umano’y iginigiit na pag-aari nila ang Palawan.

Kumakalat sa WeChat, Douyin, at Weibo ang mga video na ito, na gumagamit ng mapanlinlang na mga mapa at pekeng tala ng kasaysayan upang ipakita na dating bahagi ng teritoryo ng China ang Palawan.

Ang ilan ay nagpapakita ng binagong mga larawan ng Palawan na may watawat ng China, na unti-unting nagpapaniwala sa mga Chinese at Pilipino na hindi ito bahagi ng Pilipinas.

Ang taktikang ito ay kahalintulad ng mga dating disinformation campaign ng China sa South China Sea, na ginamit upang bigyang-katwiran ang pagtatayo ng mga base militar sa mga artificial islands sa loob ng katubigang sakop ng Pilipinas.

Nagbabala ang mga analyst na layunin ng ganitong mga kwento na gawing karaniwan ang ideya ng soberanya ng China sa Palawan, bilang paghahanda sa mga susunod na pag-angkin.

Ibinunyag din ng mga intelligence source na hindi lamang para sa mga Chinese ang ganitong mga pahayag, kundi sadya rin itong ikinakalat sa digital spaces ng Pilipinas gamit ang mga proxy account at binayarang influencers.

Iginiit ni Ortega na walang anumang batayang pangkasaysayan o legal ang inaangking teritoryo ng China sa Palawan.

Babala ni Ortega na ang pag-angkin ng China sa Palawan ay bahagi ng mas malawak na plano upang palakasin ang impluwensya nito—hindi lamang sa pamamagitan ng military power kundi pati na rin sa larangan ng pulitika at ekonomiya.

Sa nakalipas na dekada, nagtayo ang Beijing ng mga base militar sa West Philippine Sea, sa kabila ng international ruling na nagbasura sa kanilang mga pag-aangkin. Ngayon, tila binabago ng China ang kanilang taktika sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga kandidatong magsusulong ng kanilang interes mula mismo sa loob ng gobyerno ng Pilipinas.

Lumabas sa mga imbestigasyon tungkol sa operasyon ng impluwensya ng China na aktibong ginagamit ng Beijing ang disinformation upang baguhin ang pananaw ng publiko.

Natukoy ng mga digital analyst ang planadong hakbang ng mga grupong konektado sa China upang manipulahin ang diskusyon sa social media, siraan ang mga opisyal na kontra-China, at palakasin ang mga pahayag na pumapabor sa Beijing.

Ang mga taktikang ito ay may layuning baguhin ang opinyon ng mga botante upang manalo ang mga kandidatong maka-China at makontrol nila ang pamahalaan ng Pilipinas.