Nasa 50 boxes o 5, 000 kapsula ng Doxycycline na gamot sa leptospirosis ang ipinamahagi ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo at ACT-CIS partylist sa Angat Buhay Foundation ni dating Vice Pres. Leni Robredo.
Ang naturang gamot ay para maipakalat sa mga biktima ng bagyong Kristine sa Bicol region.
Sa pahayag, sinabi ni Tulfo na karamihan sa natatanggap nilang tawag sa kanilang tanggapan ay ang problema sa leptospirosis dahil sa mga nakababad ang mga residente sa baha particular sa Bicol region.
Ayon pa kay Cong. Tulfo, “lumubog kasi ang maraming bahagi ng CAMSUR lalo na ang Naga City noong Bagyong Kristine at ang nakakatakot ang mga tao nababad sa baha”.
Matatandaan na kamakailan ay aabot din sa 2,000 sako ng bigas at P1 milyon ang ipinamahagi nitong Oktubre 24 ni Rep. Tulfo at ACT-CIS partylist galling sa kanilang mga personal na pondo para sa mga nasalanta ng bagyong Kristine.
Nakipagunayan din ang opisina ni Tulfo at ACT-CIS partylist sa tanggapan naman ng Angat Buhay Foundation ni dating VP Robredo para naman sa karagdagang 500 sako ng bigas.
Aabot din sa 500 sako pa ng bigas ang ipapakalat naman sa bayan ng Iriga at iba pang bayan sa Bicol region na grabeng nasalanta ng bagyo.
Nagpadala na rin si Rep. Tulfo ng P50, 000 cash para naman sa mga biktima ng agyo sa San Guillermo Parish sa Talisay, Batangas.
Iginiit ni Tulfo na tuloy-tuloy ang pagtulong ng ACT-CIS partylist at Erwin Tulfo Action Center sa mga nasalanta ng bagyo.