Tiniyak ni House Committee on Health chairman Angelina Tan na mapupunta sa Universal Health Care (UHC) Law ang malilikom na revenues mula sa Sin Tax Bill.
Sinabi ni Tan na titiyakin nilang mga mambabatas na ang benepisyo sa ilalim ng UHC law ay magagamit, partikular na sa probisyon na libreng 156 dialysis sessions para sa bawat pasyente kada taon.
Sa ilalim ng panukalang dagdag na buwis para sa mga sigarilyo ay mapopondohan ang UHC Law.
Ayon sa kongresista, tutulong din sila sa DOH sa pagtayo ng mga pasilidad sa mga lugar na malayo sa mga dialysis centers.
Nanawagan naman din ito sa mga ahensya ng pamahalaan na tiyaking naipapatupad ng husto ang UHC Law.
Hinimok din ni Tan ang mga ito na bumuo ng mga livelihood programs para sa mga tobacco farmers na maapektuhan ng pagtaas ng buwis sa sigarilyo.