Nanawagan si House Committee on Aquaculture and Fisheries Resources chairman Brian Yamsuan kay Pang. Ferdinand Marcos Jr. na maisabatas na ang panukalang P30 billion Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF, at Pantawid Pambangka Program.
Ito ay kasunod ng pananalasa ng mga bagyong Kristine at Leon, na lubos na naka-apekto sa mga magsasaka at mangingisda sa bansa.
“We are hopeful that the President would sign the ratified bill soon so that the RCEF could become a more potent tool to help small farmers, especially those in Bicol which was the worst hit by ‘Kristine,” pahayag ni Rep. Yamsuan.
Umaasa tayo na kapag naisabatas na ang bill na may layuning itriple ang pondo ng RCEF sa P30 billion, magiging epektibong instrumento ito para matulungang makabangon ang ating mga magsasaka mula sa hagupit ng bagyong ‘Kristine.”
Aminado si Yamsuan na hindi madali ang pagbangon mula sa epekto ng mga kalamidad.
Giit ni Yamsuan kailangan ng tuloy-tuloy na pagtulong sa mga nasalanta.
Ang panukala palawigin ang RCEF ay kapwa ratipikado na ng dalawang Kapulungan ng Kongreso.
Sa sandaling naging ganap na batas ito, nasa 2.4 milyong magsasaka ang makikinabang.
Habang sa ilalim ng Pantawid Pambangka Program, bibigyan ng buwanang isang libong pisong fuel subsidy ang mga mangingisda, maliban pa sa ibang alokasyon at kagamitan.
Batay sa pinaka-huling datos, pumalo na sa halos P6 billion ang pinsala ng bagyong Kristine sa sektor ng agrikultura, kung saan lagpas 132,000 na magsasaka at mangingisda ang apektado.