-- Advertisements --

Pinaalalahanan ni Representative Brian Raymund Yamsuan ang Philippine National Police (PNP) na tiyakin na mananaig ang rule of law at maprotektahan ang karapatan ng mga mamamayan habang ipinatutupad ang 100-days election security plan upang matiyak ang maayos at mapayapang halalan sa May 2025.

Aminado si Yamsuan na maraming hamon ang kahaharapin ng PNP sa pagsisikap nitong panatalihing ligtas, mapayapa at maayos ang gaganaping halalan.

Binigyang-diin ni Yamsuan na dapat ding tandaan ng mga tauhan ng PNP na dapat silang manatiling non partisan sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin at responsibilidad.

Sinabi ng Bicolanong mambabatas na ang tagumpay ng plano sa seguridad ng PNP ay nakasalalay din sa mahigpit na koordinasyon sa pagitan ng pulisya,stakeholders at iba pang mga ahensya ng pagpapatupad ng batas at mga yunit ng lokal na pamahalaan, pati na rin ang kooperasyon ng ating mga mamamayan.

Pinuri din ni Yamsuan si PNP chief Gen. Rommel Marbil sa paglulunsad ng security plan na ayon sa huli ay tututok sa deployment ng mga tauhan sa election hotspots, pagtatayo ng checkpoints, at pinaigting na intelligence operations.

Dagdag pa ni Yamsuan, mahalaga din na sumasailalim sa patuloy na pagsasanay at edukasyon ang mga pulis upang maging pamilyar sa kanilang trabaho at maiwasan ang misconduct at alegasyon ng irregularities sa pagtupad ng kanilang trabaho.

Natukoy ng Commission on Elections (Comelec) ang hindi bababa sa 403 “areas of concern” sa 2025 midterm elections, kung saan 38 lungsod at munisipalidad ang minarkahan na may pinakamatinding panganib sa seguridad na maaaring mag udyok sa poll body na ilagay ito sa ilalim ng kontrol nito.