Naniniwala ang isang lider ng Kamara de Representantes na ang mga binitiwang salita ni Vice President Sara Duterte sa isang press conference kamakailan ay naglalayong ilihis ang atensyon ng publiko mula kinukuwestyong paggastos ng P612.5 milyong confidential fund nito.
“Huwag po tayong magpabudol. Ang tunay na isyu rito ay ang P612.5 milyon na confidential funds na kailangang ipaliwanag ng Bise Presidente sa publiko. Hindi dapat magpadala sa mga diversionary tactics na ganito,” ani House Assistant Majority Leader at Zambales 1st District Rep. Jefferson “Jay” Khonghun.
Sinabi ni Khonghun na ang pahayag ni Duterte na mayroon itong inutusan upang ipapatay sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at Speaker Martin Romualdez ay pagtatangka na ilihis ang isyu na hindi nito sinasagot.
“Instead of addressing the allegations head-on, she is creating distractions that only sow fear and division,” punto pa ng solon.
Nanawagan si Khonghun sa Kamara de Representantes na ituon ang atensyon nito sa paghahanap ng katotohanan kaugnay ng kinukuwestyong paggastos ng confidential fund ni Duterte.
“Ang pondo ng bayan ay para sa taumbayan, hindi para sa personal na interes. The people deserve transparency and accountability, not theatrics,” giit ni Khonghun.
Pinuri rin ni Khonghun si Manila 3rd District Rep. Joel Chua, chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability, sa pamumuno nito sa imbestigasyon.
“Let’s not be distracted by these reckless remarks. The P612.5 million fund issue is too important to ignore. Huwag tayong magpabudol,” giit pa nito.