Ipinaalala ng isang kongresista si Vice President Sara Duterte na ang amnesty proclamation na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay pagpapatuloy lamang ng programa na ipinatupad ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Ito ang inihayag ni Abang Lingkod Party-list Rep. Joseph Stephen Paduano sa pagdinig ng House committees on justice at national defense and security bilang tugon sa sinabi ni VP Sara na kumukuwestyon sa amnesty proclamation na inilabas ni Pangulong Marcos.
Sa naturang pagdinig, pinagtibay ng dalawang komite ang apat na proklamasyon na inilabas ni Pangulong Marcos upang patawarin ang pagsasala sa batas ng mga rebelde bunsod ng kanilang paniniwalang politikal.
Ito ay ang Proclamations 403, 404, 405, at 406 ay nagbibigay ng amnestiya sa mga miyembro ng Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas/Revolutionary Proletarian Army/Alex Boncayao Brigade, Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front, Moro Islamic Liberation Front, at Moro National Liberation Front.
Target ng Kamara na pagtibayin ang mga resolusyon bago ang Christmas break ng Kongreso sa susunod na linggo.
Binigyang-diin ni Paduano ang kahalagahan na mga proklamasyon para sa kapayapaan ng bansa.
Ipinaalala ni Paduano kay VP Duterte na ang kanyang ama na si dating Pangulong Duterte ay naglabas din ng kaparehong proklamasyon.
Sinabi pa ng mambabatas na ang proklamasyon ay hindi lamang programa ng administrasyon kundi pangako ng mga nagdaang administrasyon mula noong panunungkulan ni dating Pangulong Cory Aquino.