VIGAN CITY – Tiniyak ng isang mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso na mabibigyan ng sapat na pondo ang Department of Health (DOH) para sa pagpapatupad ng Universal Health Care (UHC) law.
Ito ay kasabay ng nakatakdang paglagda sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng nasabing batas bukas, October 10.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor na ang nakaltas na pondo ng DOH para sa susunod na taon na aabot sa halos PHP 10 bilyong ay hindi umano magagalaw o hindi ililipat sa ibang ahensya.
Aniya, kung makita umano nila na kailangan na ng ahensya ng karagdagang pondo para sa mga ipinapatupad nilang programa, lalo na sa implementasyon ng UHC law, maaari naman umano silang magpasa ng supplemental budget na tiyak naman naaaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ipinaliwanag nito na ang nakaltas na pondo ng ahensya ay resulta ng naganap na deliberasyon sa 2020 proposed national budget kung saan, nakita umano nila na hindi kayang ipatupad ng ahensya ng sabay-sabay ang kanilang mga programa at proyekto na sakup ng Health Enhancement Facilities program.