-- Advertisements --

Pinuri ni House Assistant Majority Leader at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang pagsasampa ng kasong kriminal sa apat na empleyado ng Davao del Sur Civil Registrar’s Office na sangkot umano sa pagbibigay ng Philippine birth certificate sa mga Chinese nationals, na maaari umanong bahagi ng mas malawak na modus kaya dapat ipagpatuloy ang imbestigasyon.

Sinampahan ng kasong falsification at cybercrime ng National Bureau of Investigation (NBI) ang apat na empleyado ng civil registrar sa Davao del Sur matapos matuklasan sa isinagawang imbestigasyon na sangkot sila sa pagbibigay ng pekeng birth records sa mga Chinese nationals upang palabasin na Pilipino ang mga ito at magkaroon ng karapatan sa bansa gaya ng mga Pilipino.

Ginamit ang mga pekeng dokumento upang makakuha ng pasaporte, na nagbigay-daan sa mga dayuhang ito na makapasok at makapagtrabaho sa bansa nang legal.

Sinabi ni Adiong na ang eskandalo ay nagpapakita ng tensyon sa pagitan ng “Team Pilipinas at Team China,” at idinagdag na ang mga Pilipinong kumakampi sa dayuhang interes kapalit ng pambansang seguridad ay dapat na isiwalat at kasuhan.

Nanawagan ang lider ng Kamara sa Department of Justice (DoJ), Philippine Statistics Authority (PSA), at Department of Foreign Affairs (DFA) na magsagawa ng masusing pagsusuri sa lahat ng birth records na inilabas sa nakalipas na sampung taon sa mga lugar kung saan may mataas na bilang ng mga migranteng Chinese.

Hinimok din niya ang Bureau of Immigration (BI) na suriin ang mga alien employment permits at investor visas laban sa posibleng pekeng pagkakakilanlan.

Ipinunto ni Adiong ang implikasyong pang-geopolitika ng pagpapahintulot sa mga Chinese nationals na makapasok sa Philippine system gamit nag mga pekeng dokumento at tinawag niya itong “national security red flag.”