Kinalampag ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda ang pamahalaan na simulan na ang recovery phase sa mga lugar na apektado nang pagputok ng Taal Volcano.
Pahayag ito ni Salceda isang araw matapos na ibaba ng Phivolcs ang alert level status ng Taal Volcano sa Level 3 makalipas ang dalawang linggong pagbabantay magmula nang magkaroon dito ng phreatic eruption.
Sa panayam kay Salceda, inirekominda nilang simula na ng mga lokal na pamahalaan, katuwang ang national government, ang rehabilitasyon at pagbabalik ng mga lungya ng kuryente at tubig sa mga apektadong lugar.
Hinimok din nito ang DSWD na maglatag ng “cash for work” program para sa mga apektadong residente, na dapat ding bigyan ng psychosocial care at stress debriefing.
Maging ang DOLE ay kinalampag din ni Salceda na tumulong sa cleanup drive sa pamamagitan ng kanilang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged / Displaced Workers (TUPAD).
Sa mga ganitong pagkakaron marapat lang ayon sa kongresista na magkaroon ng wastong accounting at auditing sa mga donasyon at calamity funds na ginamit.
Dapat na rin aniyang seryosohin ng mga barangay, munusipalidad at lungsod ang paglatag ng contingency plan kasunod ng nangyari sa Taal.