Umapela si Quezon City Rep. Alfred Vargas sa national government na ikonsidera ang house-to-house vaccination ng nasa 10-milyong mga senior citizens sa bansa.
Ayon kay Vargas, baka raw kasi mahawa ng COVID-19 ang mga matatanda kung magtutungo pa ang mga ito sa nakatalang vaccination sites sa kani-kanilang mga lugar.
Iminungkahi rin ng mambabatas na dapat isagawa ang pagpapaturok ng bakuna kada sitio kung hindi posible ang house-to-house vaccination sa mga senior citizens.
Isiniwalat din ni Vargas na sa darating na linggo ay magsasagawa ng pagdinig ang pinamumunuan nitong House Social Services panel upang humingi ng update sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) kaugnay sa “master list” ng mga makatatanggap ng COVID-19 vaccine.
Dapat din aniyang siguruhin ng national government at ng mga lokal na pamahalaan na hindi mababahiran ng pulitika ang naturang listahan.
Hiniling din nito sa gobyerno na magkaroon ng mga partnership sa private sector upang tiyakin na magkakaroon ng sapat na cold storage facilities ang bansa para sa mga bibilhing bakuna.