Mariing kinondena ni House Ad Hoc Committee on Marawi Rehabilitation and Victims Compensation Chairman Zia Alonto Adiong, kinatawan ng Lanao del Sur, ang pagdami ng mga Filipino vloggers na sumusunod sa kasinungalingang ipinapakalat ng China sa isyu ng West Philippine Sea.
Ayon kay Adiong, ang mga social media personalities na ito ay mga traydor at hindi karapat-dapat tawaging mga Pilipino.
Sinabi ni Adiong na nakakalimutan ng mga pro-China vloggers na ang mga Filipino ang naaapektuhan ng agresyon at panggigipit ng Beijing sa West Philippine Sea.
Nanawagan si Adiong sa mga awtoridad na papanagutin ang mga Filipino vloggers na pro-China sa kanilang mga ginawa.
Ayon kay Adiong, wala namang problema kung ang isang tao ay nagbabahagi lamang ng opinyon ukol sa mga nangyayari sa West Philippine Sea.
Sa ginanap na pagdinig ng House Tri-Com noong Martes, sinabi ng mga opisyal ng Meta, dating Facebook, na inaksyunan nila ang post ng blogger Mark Lopez na mali ang impormasyon.
Ang post ay nagsasabing gumamit ang Pilipinas ng water cannons laban sa China Coast Guard sa West Philippine Sea.
Napag-alaman ng fact-checker ng Meta na VERA Files na mali ang post, kaya naglabas ang Meta ng paglilinaw o pagwawasto.
Si Lopez ay isa sa apat na vloggers na na-contempt at ipinag-utos ng Tri-Com na madetine sa Kamara sa loob ng 10-araw.