-- Advertisements --

Walang moral ascendancy ang China government maging ang mga lider nito na pakialaman ang gobyerno ng Pilipinas sa plano nitong palakasin ang military capability sa pamamagitan ng pagbili ng mga midrange missiles at iba pang mga armament sa Estados Unidos.
Ito ang binigyang-diin ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers.

Panawagan ni Barbers dapat magkaisa at sama-sama tayong mga Filipino na pigilin at tuligsain ang makasariling layunin ng China sa loob at labas ng bansa, partikular ang isyu sa West Philippine Sea.

Sinabi ni Barbers na ang babala ng China sa planong pag-upgrade ng mga armas ng Pilipinas ay maaaring magpatindi ng geopolitical confrontations at mag-trigger ng regional arms race ay maaaring matawag na “political bullshit” lalo at hangad ng China para sa isang dominasyon sa mundo sa pamamagitan din sa pag upgrade ng kanilang military hardware and technology.

Ayon kay Barbers kung talagang nais ng China na bawasan ang tensyon at kawalang-tatag sa rehiyon ng Timog Silangang Asya dapat itigil nila ang kanilang provocative action, itigil ang panghihimasok sa ibang mga bansa at bawiin ang kanilang iligal na presensya sa loob ng 200-miles economic zone ng bansa at sumunod sa internasyonal na batas tulad ng mga desisyon ng UNCLOS.

Nagpahayag din ng suporta si Barbers kay Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro at sinabi na ang ginagawa ng China ay isang bullying tactics sa pamamagitan ng pag batikos sa aksiyon ng Pilipinas para protektahan ang teritoryo at soberenya.

Ayon sa Kongresista lahat ng sinabi ni Secretary Teodoro ay tama at masakit na patama sa China.

Kahit ano pang gawin ng China propaganda bureau na naka-base sa loob at labas ng ating bansa ay di kayang pasinungalingan ang mga sinabi ng kalihim.

Dagdag pa ni Barbers ang nakikita niyang posibleng dahilan sa pakiki-alam ng China ay baka gusto nila sa kanila bibili ang Pilipinas ng mga military weapons.

Banat pa ng mambabatas ang China ay kilala sa pag-produce ng mga counterfeit o peke na mga gamit at mga kagamitan.