-- Advertisements --

Suportado ni Representative Brian Raymund Yamsuan ang isang bagong inisyatiba upang pabilisin ang digitalization sa mga operasyon ng lokal na pamahalaan.

Ayon sa Kongresista, ang nasabing hakbang ay umaayon sa kanyang adbokasiya na ang paggamit ng teknolohiya ay para mabilis na maihatid ang suporta at serbisyo na direkta sa mga tao.

Sinabi ni Yamsuan ang digitalization initiative ng bagong talagang kalihim ng DILG na si Secretary Jonvic Remulla ay hindi lamang makakabawas ng red tape sa paghahatid ng mga serbisyo ng mga local government units (LGUs) kundi makakatulong din sa mga target na benepisyaryo na tunay na nangangailangan ng suportang pinondohan ng estado.

Pinuri ni Yamsuan si Remulla sa kaniyang planong digitalization.

Ayon sa mambabatas, matagal na niyang itinutulak ang digitalization at paggamit ng mga modernong kagamitan hindi lamang para sa mga LGUs, kundi maging sa Philippine National Police (PNP).

Sinabi ni Yamsuan na palagi niya sinasabi sa mga committee hearings sa Kongreso na sa halip na pangambahan ang teknolohiya, dapat umisip at magpatupad ng mga paraan kung paano magagamit ito para mapabuti ang kapakanan ng ating mga kababayan.

Binigyang-diin ng mambabatas na ang teknolohiya, kaakibat ng makabagong kagamitan tulad ng mga body-worn camera para sa PNP at science-driven investigative tools and processess ay makakatulong sa pagsugpo sa krimen, palakasin ang tiwala at kumpiyansa ng publiko sa mga law enforcers tungo sa isang mapayapang komunidad.

Naniniwala si Yamsuan na makakatulong din ang digitalization sa pagsugpo sa katiwalian at makaakit ng mas maraming mamumuhunan na mahihikayat na magtayo ng kanilang mga negosyo bilang resulta ng streamlined na operasyon sa antas ng lokal na pamahalaan.

Samantala, inilunsad din ni Yamsuan ang kaniyang BAON program sa pakikipag tulungan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ang BAON program ay bahagi ng isa pang programa ng Kongresista ang Health, Opportunities, Peace and Education (HOPE) agenda, na naglalayong tiyakin na ang mga residente ng 2nd district ng ParaƱaque ay nabibigyan ng kalidad at abot-kayang pangangalagang Pangkalusugan at medikal; nilagyan ng sapat na trabaho at mga Oportunidad sa kabuhayan upang maiangat ang kanilang antas ng pamumuhay; nakatitiyak ng Kapayapaan at kaligtasan sa kanilang mga komunidad; at garantisadong pag-access sa de-kalidad na Edukasyon.