Tinawag ni Cagayan de Oro City 2nd District Rep. Rufus Rodriguez ang isang grupo ng ekonomista mula sa University of the Philippines (UP) na “anti-poor” sa kanilang pagtutol sa panukala na amyendahan ang restrictive economic provisions ng Konstitusyon.
Sinabi ni Rodriguez na ang UP, kung saan siya kumuha ng law degree, ay kilalang lugar ng aktibismo at academic freedom kung saan umuusbong ang mga ideya para sa pag-unlad.
Sa isang position paper, tinutulan ng mga ekonomista mula sa UP ang panukalang economic Charter amendments at sinabing ang dapat na pagtuunan ng pansin ng mga kongresista ay ang mga nakakaapekto sa pagpasok ng FDI gaya ng imprastraktura, connectivity, korupsyon, at pangingibabaw ng batas.
Sinabi ni Rodriguez, kumuha ng AB Economics sa De La Salle University at nagtapos na summa cum laude, na ang pag-amyenda sa Konstitusyon at pagtugon sa mga bagay na nakakaapekto sa pamumuhunan ay maaaring gawin ng sabay.
Iginiit ni Rodriguez na tinutugunan din ng Kongreso ang iba pang investments-related issues at nagpapasa ng mga kinakailangang batas gaya ng Ease of Doing Business Act, pagbaba ng corporate income tax at pagbibigay ng iba pang insentibo sa mga mamumuhunan.
Pinuri naman ni Rodriguez, ang chair ng House committee on constitutional amendments, ang Foundation for Economic Freedom (FEF) sa pagsuporta nito sa panukalang economic Charter reform.
Ang mga lider at miyembro ng FEF, karamihan ay nagtapos din sa UP kasama na sina dating finance secretary Gary Teves at dating economic planning secretary Gerardo Sicat.
Tinukoy ng FEF ang ginawang pag-amyenda sa Public Service Act na kinuwestyon ang constitutionality sa Korte Suprema.