-- Advertisements --

Tiniyak ni Ako Bicol Party-list Raul Angelo ‘Jil’ Bongalon na kaniyang ipaglalaban ang Ayuda sa Kapos ang Kita Program o AKAP sa 2025 national budget sa gitna ng mungkahi ng ilang Senador na alisin ang pondo para dito.

Ayon kay Rep. Bongalon, ang AKAP ay para sa mga kumikita ng mas mababa sa P21,000 kada buwan mga manggagawang hikahos pa rin kahit may trabaho sila.

Sinabi ni Bongalon na ang AKAP ang sumaklolo sa milyun-milyong ‘near poor’ na kababayan sa unang taon kaya mahalaga itong tulong lalo na para sa mga pinaka-apektado ng krisis sa ekonomiya.

Ginawa ang pahayag matapos irekomenda ng Senate Finance Committee, sa pangunguna ni Senator Imee Marcos, na tanggalin ang AKAP sa 2025 budget ng DSWD at ilipat ang pondo sa iba pang programa gaya ng Sustainable Livelihood Program at Quick Response Fund.

Ayon kay Marcos, hindi kasama ang P39 bilyong AKAP sa orihinal na panukalang budget ng administrasyon.

“Tigilan na natin ang pagtangal sa social services katulad ng pagbawas or pagtapyas sa 4Ps. Karapat-dapat mabigyan ng tulong ang ating mga mamayan na biktima ng bagyo, pagtaas ng presyo ng bilihin, pati kuryente. Ito ang isa sa mga agarang pamamaraan para maiahon sa kahirapan at direktang matulungan ang naghihirap nating kababayan. Ang masama e yung programa para sa mahihirap binabawasan pa ng ayuda. Katulad ng pagtapyas sa pondo ng 4Ps sa mga nakaraang taon. Dahil hindi nabigyan lahat ng beneficiaries ng 4Ps babantayan natin itong mabuti sa darating na Bicam,” pahayag ni Bongalon.

Sa nalalapit na bicam conference, buo ang paninindigan Kamara na ipaglaban ang milyun-milyong pamilya para sa tuloy-tuloy na tulong ng AKAP sa mga manggagawang Pilipino.