Hinimok ng mga mambabatas ang tulong ng Department of Interior and Local Government (DILG) na nagtutulak para ipagpaliban ang Barangay at SK elections sa susunod na taon na gawin na lamang ito sa 2026 na siguraduhin na ang mga incumbent officials ay makikibahagi sa deliberasyon ng Kamara hinggil sa nasabing panukala.
Hiniling nina Bicol Saro Partylist Representative Brian Raymund Yamsuan at Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte at Miguel Luis Villafuerte kay DILG Secretary Benhur Abalos na bigyan sila ng kumpletong listahan ng mga pangalan, office addresses, email addresses at contact numbers ng mga incumbent Barangay at SK (BSK) officials.
Inihain ng tatlong mambabatas ang House Bill (HB) 10344 na layong ipagpaliban ang December 1, 2025 BSK elections sa October 26, 2026 at bawat tatlong taon ang halalan.
Ayon kay Rep. Yamsuan nais nilang mag reach out sa mga BSK officials kung saan ang kanilang partisipasyon sa panukala ay mahalaga.
Batay sa sulat nila sa HB 10344 layon nitong pangalagaan ang fundamental rights ng mga electorate at sa mga incumbent ng BSK officials.
Dagdag pa ng tatlong mambabatas, ang pagdaraos ng susunod na halalan sa BSK na orihinal na itinakda noong Disyembre 1, 2025 ay mangangahulugan ng isang mas maikling termino para sa mga nanunungkulan na opisyal, na nakakapinsala sa kanilang pagganap, “nababawasan ang mga obligasyon na pagsilbihan ang kanilang mga nasasakupan, at binabawasan ang kanilang mga pananagutan sa paggamit ng kapangyarihang ipinagkaloob sa kanila ng malayang pagpili ng mga tao.
Dahil ang huling halalan sa BSK ay ginanap noong Oktubre 2023, ang mga kasalukuyang opisyal ay maglilingkod lamang ng dalawang taon kung ang susunod na pagboto ay gagawin gaya ng orihinal na nakatakda sa 2025.
Ang pinaikling termino ay “aktuwal na sumasalungat sa tatlong taong termino ng panunungkulan para sa mga elective na opisyal na ito” ayon sa ipinag-uutos ng 1987 Constitution at ng 1991 Local Government Code.
Kung magiging batas ang panukalang batas, ito ay makikinabang ang 42,001 incumbent BSK chairperson at 294,007 na nakaupong Sangguniang Barangay at SK members.