Kumpiyansa si House Appropriations Committee chairman Rep. Isidro Ungab na hindi maantala ang pag-apruba sa 2020 proposed P4.1-trillion national budget.
Sa interview sa Kamara, iginiit ni Ungab na wala silang binago sa inaprubahan ng komite na House Bill 4228 o ang 2020 General Appropriations Bill.
Wala na raw silang ginalaw pa sa kung ano ang nakasaad sa isinumiteng National Expenditure Program (NEP) ng Department of Budget and Management.
Giit ni Ungab, maiiwasan ang pagkakagulo sa budget kapag sinusunod lamang ng husto ang rules and procedure sa budget deliberations.
“At saka may experience na rin ako. During my time, three years all budgets were signed by December 20 or 21,” wika pa ni Ungab.
Samantala, anumang gagawing pagtaas sa pondo ng mga ahensya na may maliit na alokasyon, sinabi ni Ungab na isasagawa na lamang ito sa pamamagitan ng institutional amendments sa plenaryo o kaya naman ay sa bicameral conference committee na.
Iginiit naman ni Senior Vice chairman Joey Salceda na bagama’t mabilis ang budget briefings ng komite, hindi naman nila isinasakripisyo rito ang paghimay ng husto sa nilalaman ng budget bill na “faithful copy” ng NEP.