Nagdesisyon ang mga miyembro ng House Committee on Good Government and Public Accountability na mag-ambagan upang magbigay ng pabuya sa sinumang makapagtuturo kay “Mary Grace Piattos” na may malaking nakuha sa confidential funds ng Office of the Vice President.
Kinumpirma ni Zambales Representative Jay Khonghun na magkakaloob sila ng isang milyong piso sa makapagbibigay ng impormasyon kung sino at nasaan si Piattos.
Sinabi ni Khonghun na bagama’t may iba pang mga pangalan na kaduda-duda sa acknowledgement receipts, si “Mary Grace Piattos” ang tila may pinakamalaking nakuha.
Lumutang ang pangalan ni Piattos sa pagdinig ng Good Government and Public Accountability kung saan isa umano ito sa signatories ng acknowledgement receipts na isinumite ng OVP sa COA kaugnay ng confidential funds.
Ayon naman kay La Union Representative Paolo Ortega, maikukumpara sa listahan sa sari-sari store ang mga ginamit na pangalan ng OVP.
Nalulungkot din sina Khonghun at Ortega na hindi dadalo si Vice President Sara Duterte sa susunod na pagdinig ng House panel kahit na personal nang iniabot sa kanya ang imbitasyon.
Kung tutuusin ay nais na umano nilang matapos ang imbestigasyon ng komite at mapaaprubahan na ang committee report kaya importante sa kanila ang pagdalo ng resource persons na makapagpapaliwanag ukol sa sinasabing maling paggamit ng pondo.