Nakiisa na rin si Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers sa mga nananawagan na tuluyan nang ipagbawal ang operasyon ng POGO sa Pilipinas.
Ayon kay Barbers, Chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, seryosong national threat ang POGO dahil sa mga kinasasangkutan na mga illegal activities.
Sinabi ng Kongresista na 2017 nang mag-privilege speech siya laban sa POGO at hanggang ngayon, walang nabago at sa halip lumalala ang mga krimen dahil sa patuloy na mga operasyon nito.
Ayon kay Barbers, kung may kinikita man ang gobyerno sa buwis, hindi ito sapat sa mga perwisyo na ibinibigay ng operasyon nito sa bansa.
Maliwanag anya na ang POGO ay “front” ng mga Chinese led criminal syndicates, money laundering, espionage, cyber hacking, prostitution at iba.
Ang nakakatakot ayon kay Barbers, kapag ginamit ang pera ng POGO sa narco politics, mas malaking problema ang kahaharapin ng Pilipinas.
Hinamon din ni Barbers ang matitinong miembro ng Filipino-Chinese community sa bansa na kundinahin ang mga iligal na ginagawa ng POGO na nakasisira din sa kanilang hanay.
Samantala, dahil sa ibat-ibang krimen, wala nang dahilan para panatilihin pa sa bansa ang operasyon ng POGO o Philippine offshore gaming operators.
Ito ang binigyang-diin ni Cagayan de Oro City 2nd District Representativr Rufus Rodriguez ang panawagan na tuluyan nang ipagbawal ang POGO sa Pilipinas.
Ginawa ni Rodriguez ang apela sa pinakabagong insidente nang matuklasan ang illegal activities sa Bamban, Tarlac at sa Porac, Pampanga kung saan sinalakay ng mga otoridad ang mga POGO hub na nag-e-empleyo ng daan-daang Chinese at Vietnamese nationals na biktima ng sindikato ng human smuggling.
Giit ni Rodriguez, patunay ito na ang POGO ay front ng illegal activities gaya ng money laundering, illegal immigration and employment, prostitution, extortion at kidnapping.
Bukod sa Resolution 1197 ni Rodriguez, nasa House Bill 5082 din ni Manila Representative Bienvenido Abanta Jr. ang panukala na ipagbawal na ang POGO sa bansa.