-- Advertisements --

Inihayag ng mga mambabatas na tila bumabagsak na umano ang integridad ng Senado dahil sa ginagawa nitong pagdinig ukol sa “PDEA Leaks” na nagdidiin kay Pangulong Bongbong Marcos na sangkot sa ilegal na droga.

Inihayag ni Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong na mistulang “smear campaign” o paninira ng reputasyon ang imbestigasyon ng komite ni Senador Bato Dela Rosa hinggil sa alegasyon ng dating PDEA agent na si Jonathan Morales.

Wala aniyang patutunguhan ito lalo’t hindi naman napanindigan ang layunin na “in aid of legislation” kung saan isinasailalim sa review ang mga umiiral na batas.

Hindi rin umano papasa sa prosekusyon ang mga ipinupukol na ebidensya at dokumento dahil kailangan ng matibay na “legal basis”.

Para naman kay House Deputy Speaker at Quezon Representative Jay-Jay Suarez, hindi nito maunawaan kung bakit nagsasayang ng oras at resources ang Mataas na Kapulungan sa isang witness na kuwestyonable ang background.

Punto ni Suarez, nakalulungkot na mas pinagtutuunan pa ito ng pansin ng Senado kaysa mas mahahalagang usapin gaya ng West Philippine Sea, pag-amiyenda sa Rice Tariffication Law at pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Dagdag pa ni Suarez kaniyang nakikita rin na layong i-malign lamang ang mga personalidad na nabanggit sa umano’y PDEA leaks ang isinasagawang pagdinig ng senado na pinangungunahan ni Senator Ronald Dela Rosa.