Suportado ng mga mambabatas si Speaker Martin Romualdez sa kaniyang panawagan sa Senado na bigyang prayoridad ang panukalang magpapababa sa presyo ng bigas.
Kabilang dito ang dalawang kongresista mula sa probinsya na nangunguna sa produksyon ng palay.
Una ng inihayag ni Speaker Romualdez na kanilang isinusulong ang panukalang amyenda sa Rice Tariffication law para mapababa ng P10 hanggang P15 ang presyo ng kada kilo ng bigas.
Inihayag nina Assistant Majority Leader Mikaela Angela “Mika” Suansing (Nueva Ecija, 1st District), Deputy Majority Leaders Faustino “Inno” Dy V (Isabela, 6th District) at Jude Acide (Tingog Party-list) ang apela ni Speaker Romualdez.
Bilang mula sa isa sa mga probinsya na nangunguna sa produksyon ng bigas, sinabi ni Suansing na malapit sa kanyang puso ang batas, kung saan nakapaloob ang Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), ang pondo na ginagamit na pantulong sa mga magsasaka mula sa buwis na ipinapataw sa imported na bigas.
Katunayan, sinabi ni Suansing na ito ang paksa ng kanyang thesis sa kanyang master’s degree sa Harvard University.
Siya rin ang kauna-unahang naghain ng panukala para amyendahan ang RTL at ayusin ang RCEF para mas maging epektibo ito at mapababa ang gastos ng produksyon ng bigas at pataasin ang ani at kita ng mga magsasaka.
Sinang-ayunan din ni Suansing ang pagtaya ni Speaker Romualdez na oras na maipatupad ang amyenda ay maaaring bumaba ng P10 hanggang P15 ang kada kilo ng bigas sa pamamagitan ng pagbebenta ng National Food Authority (NFA) ng bigas na binili mula sa mga lokal na magsasaka.
Kinumpirma rin niya na ang House Committee on Agriculture na pinamumunuan ni Quezon Rep. Mark Enverga ay binibilisan ang pagtalakay sa amyenda sa RTL upang agad itong matapos at mapakinabangan ng mga Pilipino, lalo na ng mga mahihirap.
Ipinunto din ni Suansing na ang rice at food inflation ang pangunahing dahilan ng pagtaas ng inflation o presyo ng mga bilihin.
Katunayan sa year-on-year basis, umakyat ng 24.4 porsyento ang presyo ng bigas.
Naniniwala rin si Rep. Dy, na mula sa isa pang lalawigan na pangunahing pinagkukunan ng palay, na panahon nang ibaliksa merkado ang NFA.