Sa hindi maputol putol na problema sa mga fixers ng Land Transportation Office, pinag aaralan ngayon ng ahensya ang pagpapaiksi ng drivers license examination.
Madalas raw ay umaabot ito ng isang oras ngunit sa ngayon ay nais ng ahensya na mas paiksiin ito hanggang dalawangpung minuto na lamang.
Inamin naman ni Land Transportation Office Chief Jay Art Tugade na talagang mahaba at mabagal ang proseso sa pagkuha ng drivers license.
Maaaring ito raw ang dahilan kaya mas pinipili ng mga aplikante na umasa sa fixer dahil mas mapapadali ang kanilang pagkuha at hindi na sila magsasayang ng oras.
Sa ngayon ay mayroong binuong komite ang Land Transportation Office na siyang susuri sa pagsusulit ng ahensya at magpapaiksi dito nang hindi nakokompromiso ang kalidad ng driver na makakapasa.
Samantala, kabilang sa tinitingnang paiksiin ay ang para sa mga bagong kukuha ng non-professional license, conductor’s license, ang pagpapabago ng classification mula non-professional tungong professional drivers license at ang pagdaragdag ng driver’s license code.
Nais rin ng komite na magkaroon ng customized questions na nakadepende sa klasipikasyon at code ng lisensyang kukunin ng aplikante.