-- Advertisements --

Kinumpirma ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG-NCR) na kanilang naaresto ang son-in-law ng NDF consultant na si Rafael Baylosis.

Kinilala ni CIDG-NCR chief PSSupt. Wilson Asueta ang hinihinalaang miyembro ng NPA na si Marlen Maojo Maga, residente ng Barangay Ampid, San Mateo, Rizal at nahaharap sa kasong murder.

Ayon kay Asueta, inaresto ng pinagsanib na pwersa ng PNP at AFP si Maga sa may Basketball court.

Nakuha sa posisyon ni Maga ang isang cal. 45 pistol PARA 1911, isang piurasong magazine na loaded ng pitong live ammunitions at isang wallet na may ibat ibang ID’s sa loob ng kaniyang orange na backpack.

Inihayag ni Asueta na ang pag aresto kay Maga ay resulta ng impormasyon na ibinigay ng isang testigo kung saan positibo siyang kinilala nito.

Napag-alaman na si Maga ay miyembro ng EXECOM, National Youth and Student Bureau, National Organizing Division of the CPP-NPA.

Samantala, itinanggi naman ni Maga ang akusasyon laban sa kaniya at sinabi hindi siya miyembro ng NPA.

Inamin naman nito na siya ay son-in-law ni Baylosis.

Giit ni Maga na napagbintangan lamang siya.

Kasalukuyang nananatili pa rin sa kustodiya ng CIDG NCR si Maga para sumailalim sa kaukulang documentation.