KALIBO, Aklan—Ipinagmalaki ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang katatapos lamang na ika-apat na State of the Nation Address (SONA) 2019 ang pagbabagong nagawa ng gobyerno sa isla ng Boracay.
Sa kaniyang talumpati na ginanap sa Batasang Pambansa Complex sa Quezon City, ang anim na buwang Boracay closure noong Abril 2018 umano ay nagdulot ng malaking improvement at development sa pamosong isla.
“I am proud to say that it has been restored close to its original pristine state,” Ani Duterte
Malaki aniyang tulong sa pagsaayos upang maibalik sa dating kagandahan ang naturang isla ang binuong Inter-Agency Task Force na kinabibilangan ng Department of Public Works and Highways (DPWH); Department of the Interior and Local Government (DILG); Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Tourism (DoT).
Simula pa lamang umano ito sa paglilinis sa lahat ng mga tourist destination sa bansa.
“Boracay Island is just the beginning,” saad ng Pangulo.
Maliban dito, ipinagmalaki rin niya ang lupang ipinagkaloob sa mga katutubong Aeta sa ilalim ng land reform program ng Department of Agrarian Reform (DAR).
Samantala, hindi nakaligtaan ng Pangulo na imbitahan ang lahat lalo na ang mga kalalakihan na bisitahin ang isla upang mag-sunbathing.
“And the girls there, the foreigners are waiting for you gentlemen to visit the place. They are all on the beach sunbathing,” dagdag ni Duterte
Nabatid na binansagang “cesspool” ni Pangulong Duterte ang Boracay makaraang matuklasan ang mga naglalakihang tubo na nagpapalabas ng dumi sa dagat.