Walang naitalang mga untoward incidents ang Philippine National Police (PNP) sa huling State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Pinasalamatan din ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar ang mga rally organizers ng iba’t ibang grupo na nagsagawa ng kilos protesta dahil sa kanilang kooperasyon sa mga otoridad.
Ikinatuwa ni Eleazar na nanaig ang matinong pag-iisip ng mga protesters at kusang nag-disperse sa takdang panahon.
Malinaw aniya na nangibabaw pa rin ang interes ng public health at safety kaysa sa politika.
Ayon kay Eleazar, umabot din sa 3,000 ang mga nakilahok sa mga kilos protesta sa UP at sa Commonwealth area.
Mayroon din aniyang naobserbahan na mga pagkilos ang iba’t ibang Police Regional Offices sa ilang mga malalaking lungsod sa iba’t ibang panig ng bansa pero hindi naman nakaabala sa normal na kalakaran.
Samantala, ayon naman kay PNP spokesperson B/Gen. Ronaldo Olay nanatiling naka-alerto ang PNP kahit tapos na ang SONA ng pangulo.