-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Positibo ang naging reaksyon ng isang political analyst sa isinagawang State of the Nation Adress (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Prof. Tony Laviña dating Dean ng Ateneo School of Government, kung ikukumpara umano sa SONA ni dating Pangulong Rodrigo Duterte di hamak na mas malinaw at organisado ang naging speech ng kasalukuyang pangulo.

Ipinunto nito na walang ad lib at sumunod sa nakatakdang oras si Marcos sa pagsisimula ng SONA, habang wala rin itong binatikos na kalaban sa politika o binitawang masasamang salita.

Pinaka-kinabiliban umano ng political analyst ang tahasang paninindigan ng pangulo na hindi hahayaang maangkin ng ibang bansa ang ating teritoryo partikular na sa isyu sa West Philippine Sea.

Subalit pinuna pa rin nito ang hindi pagsama ng pangulo sa ilang mahahalagang usapin kagaya ng isyu ng korapsyon, problema sa terorismo at ang kampanya kontra sa iligal na droga.