ILOILO CITY – Hindi ikinatuwa ng Simbahang Katolika ang binitawang salita ni Pangulong Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na ibabalik ang death penalty para sa mga lulong sa iligal na droga at plunderer.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Msgr. Meliton Oso, director ng Jaro Archdiocesan Social Action Center, sinabi nito na malinaw ang paninindigan ng simbahan sa pagpapatupad ng parusang kamatayan.
Ayon kay Msgr. Oso, nakasulat sa Ezekiel 18:23 na hindi gusto ng Diyos na mamatay ang mga makasalanan bagkus ay mas ikakatuwa nito kung magsisisi ang mga ito aty mamumuhay ng mapayapa.
Kahit na adik o mandarambong ayon kay Msgr. Oso, ay may karapatan ding magbago at hindi dapat na ipagkait ang karapatang mabuhay.
Ipinaliwanag nito na ang Diyos ang nagbigay ng buhay sa tao at siya ring may karapatan bawiin ito.
Naniniwala naman si Msgr. Oso na ang hindi magiging patas ang pagpapatupad ng death penalty sa bansa sakaling mapalitan ang Saligang Batas dahil ang mga mahihirap ay walang pambayad para sa mga magagaling na abogado.