-- Advertisements --

Inihayag ng Sonshine Media Network International o SMNI ang pagnanais nito na ilipat sa Department of Justice ang venue ng pagdinig ng kanilang kinakaharap na isyu sa prangkisa.

Ginawa ng mga abogado ng SMNI ang pahayag kasabay ng paghahain nito ng motion to inhibit laban sa commissioners ng NTC.

Hiniling ng mga ito sa National Telecommunications Commission na atasa ang kanilang mga komisyoner na bitawan ang paghawak sa kanilang franchise violation case.

Sa anim na pahinang mosyon na inihain ng mga abogado ng SMNI sa tanggapan ng NTC, iginiit nito na ang “impartiality” ng komisyon bilang “complainant at judge” ay malinaw na paglabag sa due process ng batas.

Kabilang sa pinag iinhibit nito ay sina Commissioner Ella Blanc Lopez, at ang dalawang Deputy Commissioner nito na sina Jon Paulo Salvahan at Alvin Bernardo N. Blanco.

Sa isang panayam, sinabi ni Atty. Mark Tolentino, isa sa mga legal counsel ng SMNI, na kung magpasya ang mga komisyoner na mag-inhibit sa kaso ng kanilang network, maaaring magtalaga ang Department of Justice ng isa pang venue upang duminig sa kaso.

Batay sa mandato ng NTC, tungkuling nitong mag-regulate, mangasiwa at humatol sa radio network, telecommunications at broadcast ng bansa.

Kabilang sa mga ito ay ang paghawak ng mga kaso ng prangkisa.

Narito ang bahagi ng pahayag ni Atty. Mark Tolentino , isa sa mga legal counsel ng SMNI

Kung maaalala, noong Disyembre 21 ng nakaraang taon, pinatawan ng NTC ng 30 days suspension ang SMNI bilang pagsunod sa Resolution 189 na inaprubahan ng House of Representatives.

Batay sa naturang resolusyon, nagpapakalat umano ng maling impormasyon ang network na pag-aari ni Quiboloy, naglipat ng mga share nang walang pag-apruba ng Kongreso at nabigo ang network na mag-alok ng hindi bababa sa 30% ng natitirang stock nito.

Disyembre 28, 2023 naman ng magsumite ng petisyon ang SMNI sa Court of Appeals na humihiling na ihinto nito ang pagpapasuspinde ng NTC sa kanilang network.