LEGAZPI CITY- Pinuri ng provincial government ng Sorsogon ang malapit ng matapos na Sorsogon Coastal Road na parte ng Build, Build, Build program at isa sa mga ibinida ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang huling State of the Nation Adress (SONA).
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Dong Mendoza ang tagapagsalita ni Sorsogon Gov. Chiz Escudero, malaki umano ang naitulong ng naturang coastal road, na nabuksan na noong nakaraang taon, hindi lamang sa pagbawas ng matinding traffic kundi maging sa kaligtasan ng mga residenteng nakatira malapit sa dagat.
Itinayo kasi ito hindi sa baybayin kundi sa mismong parte ng karagatan kung kaya’t nagsisilbi ng proteksyon ng mga residente mula sa matataas na alon tuwing may sama ng panahon.
Dahil rin sa naturang proyekto ay napabilis na ang biyahe sa Sorsogon city dahil ito ang kumokonekta sa ilang barangay habang nababawasan naman ang mga dumadaan sa main road.
Ngayong Disyembre inaasahang matatapos na ang Phase 2 ng Sorsogon coastal road na sinimulan noon pang 2016 at may inilaang pondo na nasa P1.5 bilyon.