LEGAZPI CITY- Pinabulaanan ngayon ng pamahalaang panlalawigan ng Sorsogon ang mga kumakalat na impormasyon ngayon sa social media na nagsasabing isasailalim sa lockdown ang probinsiya kasabay ng pagdiriwang ng Pasko.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Dong Mendoza, tagapagsalita ni Gov. Chiz Escudero, walang katotohanan ang naturang isyu bagkus naghigpit lamang umano ng restrictions at hindi “lockdown” ang mangyayari.
Ayon kay Mendoza, dobleng paghihigpit ang ipapatupad sa mga health protocols sa pagsusuot ng face mask at face shield, pag-obserba sa social distancing, pagkuha ng temperatura bago pumasok sa mga establisyemento at iba pa.
Abiso pa nito sa publiko na huwag basta-bastang maniniwala sa mga nababasa sa social media at tiyakin munang lehitimo ang source bago paniwalaan.
Paalala na lamang nitong huwag makalimot sa pagsunod sa mga health protocols upang maiwasan ang pagkalat ng COVID 19.