LEGAZPI CITY – Naka-‘high alert’ status ngayon ang buong lalawigan ng Sorsogon kaugnay ng inaasahang epekto ng Bagyong Jenny, partikular na sa malalakas na mga pag-ulan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Sorsogon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office head Engr. Raden Dimaano, nakipag-ugnayan na sa PAGASA kaya’t nabatid na moderate to heavy rains ang mararanasan sa maghapon.
Nagsuspinde na rin ng pasok sa buong lalawigan ang mga lokal na pamahalaan mula elementarya hanggang sekondarya sa pribado at pampublikong paaralan.
Mahigpit naman ang abiso ni Governor Chiz Escudero na ipatupad ang precautionary measures upang maiwasan ang anumang hindi inaasahang insidente.
Posibleng alas-2:00 umano kasi mamayang hapon ang pinakamalapit na distansya ng bagyo sa lalawigan kung hindi magbabago ang galaw nito.
Sa kabilang dako, umaabot naman sa 433 ang stranded na pasahero sa mga pantalan sa Bicol matapos na kanselahin ng Philippine Coast Guard (PCG) ang sea trips sa limang lalawigan maliban sa Sorsogon.
Ilan namang mga local chief executives sa Albay ang nagbaba ng localized class suspension order sa mga nasasakupang lugar.