LEGAZPI CITY – Umabot sa higit P26 million ang initial damage assessment sa lalawigan ng Sorsogon bunsod ng Bagyong Quinta.
Batay sa isinumiteng datos ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa Office of the Civil Defense (OCD) Bicol, umabot sa P26,040,000 ang napinsala sa lalawigan.
Higit P1-milyon ang naitalang pinsala sa elektrisidad at nasa P25 million sa flood control.
Nasa 373 namang kabahayan ang partially damaged habang isa ang totally damaged.
Hinihintay pa sa ngayon ang iba pang tala sa mga lalawigang naapektuhan ng sama ng panahon.
Sa Catanduanes, pitong mangingisda na lamang ang patuloy pang pinaghahanap mula sa 12 una nang naiulat na nawawala, matapos na pumalaot sa kasagsagan ng bagyo.
Tatlo sa mga ito ay mula sa bayan ng Panganiban habang apat naman sa Gigmoto habang ligtas na ring na-rescue ang apat na mangingisda mula sa Bato at isa sa Panganiban.
Samantala, pumalo naman sa 743 nang barangay sa Bicol ang naaapektuhan ng bagyo kabilang na ang higit 859, 000 katao batay sa tala ng OCD Bicol.