LEGAZPI CITY – Plano ng provincial government ng Sorsogon na magsagawa ng boodle fight sa karneng baboy upang maipakitang ligtas ang lalawigan sa African Swine Fever (ASF).
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Sorsogon information officer Dong Mendoza, walang kaso ng ASF sa lalawigan dahil sa mahigpit na pagbabantay.
Inilatag ang Animal Quarantine Checkpoints sa mga pantalan, entry at exit points ng mga biyahe na mula sa mga apektadong lugar.
Ayon kay Mendoza, bahagi rin ng ipinapatupad na precautionary measures ang hindi muna pagpasok at paglabas ng mga karneng baboy sa lalawigan habang locally-produced lamang ang ipinagbibili.
Tiniyak naman ni Mendoza na wala pang pangamba sa kakulangan ng suplay dahil kakayanin pa ito ng mga hog raisers sa lalawigan.
Pinaigting rin ang pagsusuri sa mga palengke upang makatiyak na mula sa Sorsogon ang mga ibinebentang karne.