-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Nagpadala na ng family food packs ang provincial government of Sorsogon sa nasa 200 na mga pamilya na isolated ngayon sa sitio sa Barangay San Ramon, Bulan, Sorsogon.

Hindi kasi makatawid ang mga ito matapos masira ang dinadaang spillway dulot ng walang patid na pag-ulan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Sorsogon Information Officer Dong Mendoza, tatagal ng tatlo hanggang apat na araw ang ipinamigay na foodpacks sa bawat pamilya.

Nakipag ugnayan na rin ang lokal na pamahalaan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa agad na pagsasaayos ng naturang spillway.

Sa kasalukuyan ay patuloy naman ang isinasagawang monitoring sa mga lugar na karaniwang nagkakaroon ng pagbaha at paguho ng lupa partikular na sa mga bayan ng Magallanes, Casiguran at Irosin.

Samantala, sa pinakahuling tala ng Office of the Civil Defence (OCD) Bicol ay aabot sa 200 na pamilya o 600 na indibidwal ang nananatili ngayon sa mga evacuation centers sa Albay at Camarines provinces habang mahigit 140 flooding incidents rin ang naitala sa nasabing mga lugar.