LEGAZPI CITY – Sumulat na ang Sorsogon Provincial Health Office sa Department of Health (DOH) upang humiling ng dagdag na alokasyon ng bakuna laban sa COVID-19.
Sa panayan ng Bombo Radyo Legazpi kay PHO head Dr. Jun Bolo, apela nitong isabay sa prayoridad at ikonsidera ang dagdag na vaccine allocation hindi lamang sa mga kabilang sa NCR Plus 8 Plus 10, kundi maging ang mga areas na may mataas na mortality rate.
Dagdag pa umano ang kakulangan ng access ng ilang lugar sa testing partikular na sa post mortem swab.
Bentahe lamang aniya sa mga taga-Sorsogon dahil mabilis ang access sa laboratoryo, sa pribado man o sa pamahalaan habang minimal rin ang bayad na hinihingi.
Malaking tulong rin umano na pilot area para sa Universal Health Care Law ang lalawigan kaya’t bawas na ang bayarin na sakop ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Sakali namang mapagbigyan sa hirit na dagdag na alokasyon sa bakuna, prayoridad na mabigyan ang mga nasa A2 at A3 categories o mga senior citizens at may comorbidities.