Hindi umano hahayaan ng Senado na pangasiwaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga privately-owned public utilities at business bilang pagtugon sa isyu ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Ayon kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III, wala umanong nakalagay sa Senate bill na sinertipikahang urgent ni Pangulong Duterte na magbibigay sa kanya ng emergency powers.
“Not true. Read the title. Nothing there says emergency powers,” wika ni Sotto.
“Perhaps one controversial provision in the bill [is] about the takeover of businesses but that won’t fly in the Senate. The main proposal of the bill is to distribute cash to the 16.5 million families badly needing help,” dagdag nito.
Paglalahad pa ni Sotto, nagkasundo ang Malacañang at ang dalawang kapulungan ng Kongreso sa kanilang pulong nitong Sabado na hindi bibigyan si Pangulong Duterte ng emergency powers sa ipapasa nilang panukalang batas.
“That was precisely my point in the meeting yesterday that this is not an emergency powers bill. We agreed that it is not,” ani Sotto.
Sang-ayon sa panukala, binibigyan ng otoridad ang pangulo na gamitin ang kanyang kapangyarihan para magpatupad ng pambansang polisiya upang labanan ang COVID-19 sa loob ng maikling panahon.
Kabilang sa kapangyarihang ito ang pansamantalang pag-take over sa operasyon ng alinmang privately-owned public utility o negosyo tulad ng hotels, public transportation, at telecommunications entities.
Ang mga hotels na ito ay gagamitin bilang pansamantalang tirahan ng mga health workers o magsisilbing quarantine centers o medical relief at aid distribution centers, habang ang public transportation ang siya g magsasakaya sa mga health, emergency at frontline personnel.
Ang pag-take over naman sa telecommunication entities ay naglayong matiyak na walang sagabal ang linya ng komunikasyon sa pagitan ng gobyerno at publiko.