Umapela si Senate President Vicente Sotto III sa pamahalaan na mas paigtingin ang information drive sa magiging benepisyo ng COVID-19 vaccines sa mga mahihirap at liblib na komunidad sa Pilipinas.
Sa isang pahayag, sinabi ni Sotto na mahalagang malaman at maipaliwanag nang maayos sa mga Pilipinong nakatira sa malalayong komunidad na importansya ng pagbabakuna laban sa COVID-19.
Dapat aniyang palakasin pa ng gobyerno ang kumpiyansa sa mga bakuna lalo pa’t marami ang natatakot dahil sa mga naglipanang haka-haka na hindi raw ito epektibo sa coronavirus.
Inirekomenda rin ng senador na maglunsad din ng information drive ang mga lokal na pamahalaan sa kanilang mga nasasakupan.
Maliban dito, dapat din umanong magdoble-kayod ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) sa social media at mainstream sa information drive.
Kasama rin aniya dapat ang mga eksperto sa mga kampanya para maipaliwanag nang husto sa publiko ang pagbabakuna.
Una rito, nagsimula na rin ang town halls ng Department of Health para itaas ang benepisyo ng pagpapabakuna kontra COVID-19.