-- Advertisements --

Maliban sa mga PBA players, tatampok sa inisyal na 24-man pool ng Gilas Pilipinas na isasalang sa 30th Southeast Asian (SEA) Games ang ilan sa mga amateur standouts gaya nina Kai Sotto at University of the Philippine stars Kobe Paras at Ricci Rivero.

Ayon kay SBP president Al Panlilio, walong mga amateur players at 16 mula sa PBA ang bubuo sa line-up para sa regional showpiece na isusumite bago ang deadline sa Setyembre 30.

Gayunman, nilinaw ni Panlilio na maaari pa raw mabago ang listahan sapagkat nabuo ito bago magbitiw si Yeng Guiao bilang head coach ng Gilas matapos ang FIBA World Cup.

Nasa kamay na rin aniya ng bagong national coach ang pagpili sa kursonada nitong mga players.

Dagdag ni Panlilio, pinapanday nila ngayon ang isang core group na siyang mangangasiwa sa longterm program para sa national tea.

Una nang sinabi ni Panlilio na kasama rin sa pool sina Ateneo stars Thirdy Ravena at Isaac Go, maging sina San Miguel center Christian Standhardinger at Ginebra star guard Stanley Pringle.

Maliban dito, kinumpleto rin nina Justin Baltazar ng De La Salle, Juan Gomez de Liano ng UP, at Dave Idefonso ng National University ang listahan ng mga baguhan sa Gilas.